Sa Gabing Hindi Makatulog Sa Bangkok

Sa Gabing Hindi Makatulog Sa Bangkok

Huling gabi na muli sa Bangkok. Alam kong kahit na akoý
Nakahiga sa kama, ang mga kalsada dito tulad
Ng Suanplu at Sathorn ay tigalgal sa katahimikan at liyab
Ng ilawan, katulad na katulad ng aking isip
Na ayaw sakluban ng antok. Pare-pareho kaming dilat
At ginagaygay ang kalawakan ng kawalan,
Lumulutang, lumiliyad, lumilipad.
Ngunit may hangganan din ang ganitong pagkabalisa,
Lahat ng iniisip ay isa-isang napipigtal,
Inaanod sa daloy ng marubdubing ilog,
Marahil sa Mekong o Tonle Bassac sa Cambodia na malapit
Ko na ring hagisan ng mga namumugtong gunita.
Ito ay sa kabila ng isang babaeng hindi pa rin
Nabibihag ng kapangyarihan ng tula
Dahil parang mangingibig umano na paligoy-ligoy
At nagtatago sa iba’t-ibang pintuan ng kahulugan.
Sadya nga, subalit muli kong sasabihin sa kanya
Na ang karanasan ng tula ay parang pagpapatid
Uhaw sa walang habas na tag-araw o pagpapakasakit
O pakikipagtunggali sa damdamin o kapalaran.
Nakayayanig ang bawat pintig at ang liwanag
Ay pumapasok kahit sa pinakapinid na puso.
Sa bagong pagkakataon kung saka-sakali ay mas lalo
Niyang mauunawaan ang mga gabi kong
Hindi makatulog tulad ngayon sa isang sulok sa Bangkok.
Magaganap ito, masidhi ang aking pangarap,
Malalim ang pagnanasa, bukod sa katotohanan
Na may gabi rin kaming pinaglagablab,
Kaming mangingibig sa bayan
Na pareho naming tinakasan sa ligalig.

18 Hulyo 2000
Bangkok, Thailand

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s