Pagsampa sa Bundok Banahaw

Pagsampa sa Bundok Banahaw

Marahil ito na nga ang pusod ng kabanalan,
Ang unang puwesto sa pagtanggap ng kaluwalhatian.
Rumaragasang ilog ng Santa Lucia
Na pinananahan ng mga batong wari’y
Mga peregrinong nangagtipon
Para sa pangwakas na paghuhukom,
Ngayo’y di matigatig sa kanlungan
Ng kasagraduhan at kalikasan.
Ito nga ang pook na malaon ko na ring hinahanap,
Ngunit laging nawawaglit sa kalooban
Dahil na rin sa likaw-likaw na pagbabaybay ng buhay.
Kagabi kahit na winawakwak ng halakhakan
At makamundong kuwentuhan ang katahimikan
Sa Dolores sa piling ng mga bagong kaibigan,
Ang tinig ng ilog na ito ang bumubulong sa akin,
Lumalagaslas sa kanuutnuotan ang aking puso.
Ngayon naisakatuparan na rin ang pagdating.
Pagkatapos magsamo sa birhen, magbasa sa buhos
Ng tubig-bundok, tumawid sa sungki-sungking mga bato,
Ako’y naghunos-dili saglit nang may paruparong dumapo
Sa aking braso, mabilis at kagyat umalis,
Marahil isang tapik ng pagbati, isang mahikang
Pag-aalis ng mga dusa at dalamhati,
Habang umuulan ng liwanag at naglalagas na mga dahon
Mula sa makakapal na puno sa itaas.
Sa aking pagtingala sinasambit kong
Ito na nga marahil, ito na nga…

Published in TOMAS (University of Sto. Tomas; September 2000)

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s