Uwak

Uwak

Bihira ako makakita ng uwak,
At tuwing makakakita ay wari may pinong ulan
Na kumakatok sa pintuan ng aking puso.
Bisitang naligaw lang ngunit may dalang malalim
Na alay ng pakikipagkapwa, isang maitim
Na sutla ang bumabalabal sa aking leeg.

Sa daungan ng Butterworth habang
Hinihintay kong umusad ang ferry,
Una kong napukol ng tingin ang uwak
Na nakatanghod sa bakal na poste ng causeway
Na dagling binigwas muli ang mga pakpak
At lumipat ng lugar, di mapakali,
Sumasabay sa abalang pagtatawid
Ng mga motorista hanggang huli kong
Namataaan na nakasampa sa ibabaw ng panel truck.
Ano man ang kanyang sadya, may bagay
Siyang kailangang itawid
Katulad ng sa akin.

Isang umagang paglalakad ko sa Penang
Muli kong nasumpungan ang panibagong uwak
(O di kaya siya pa rin yung nakita ko sa Butterworth?)
Sa kable sa harapan ng isang templo,
At may kasamang sa paglusong sa ere
Ay mahinahong tumuntong muli sa bubungan.
Tahimik ang templo ngunit mas pinatahimik
Ng sandaling pananahan ng dalawang uwak.
At sa katahimikang iyon ay di maisasantabi
Ang pakiramdam na may balong
Sinasalok sa pag-uugnay ng damdamin,
Sa pagtatagpo ng landas.
May umid na pangungusap ang nagdadala
Sa amin sa ibang lupain, mas malawak
Sa sulasok ng pagtutula, banayad na banayad
Sa bawat hibla ng hininga.

Abril 2002
Penang, Malaysia

Advertisements

2 thoughts on “Uwak

  1. Pinalad kami ni Margie na makita ang Penang bago sumapit ang bagong siglo. Maganda ang tula mong ito, at sinariwa sa akin ang magagandang gunita ng Penang. Salamat.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s